Paano ba?
Paano ba ang umiyak ng ikaw lang ang nakaririnig? Paano ba ang humikbi ng may ngiti sa mga labi? Paano ba tumangis ng walang luha sa mata? Paano ba pumalahaw ng walang tinig na lalabas sa iyong lalamunan? Paano ba?
Hindi ko alam kung ilang beses ko nang natagpuan ang sarili ko sa ganitong kalagayan. Hindi ko alam kung ilang beses nang nais kumawala ng aking katinuan. Mahirap maging mabait. Mahirap maging mabuti. Mahirap gumawa ng tama.
May nagaganap na digmaan sa kaibuturan ng aking kaluluwa. Isang digmaan pakiramdam ko ay siyang lilipol sa aking katauhan. Dumadagundong ang mga kanyon, nagbabanta ang pagsabog ng bomba, nakaantabay ang mga tangke. At sa isang hudyat, sa isang maling hakbang, maaaring magsimula ang lahat. Ang walang katapusang digmaan aking kinatatakutan.
Kailangan na…ang muling pagbabalik…ng aking tagapagtanggol. Ang pulis pangkalawakang si… SHAIDER!
ulan
gusto kong magpakabasa sa ulan. gusto kong namnamin ang bawat patak nito habang unti-unting dumadantay sa aking balat. gusto kong marinig ang paglagaslas nito sa mga dahon. ang sarap panooring inaanod ng baha ang mga basurang nagkalat sa daan. ang sarap sa pakiramdam ng malamig na simoy ng hanging humahalik sa aking pisngi.
para bang iniluluha ng mga ulap ang lahat ng mga luhang ayaw pumatak sa aking mga mata. para bang iniihip ng hangin ang lahat ng buntung-hiningang ayaw kumawala sa aking kaibuturan. para bang isinisigaw ng kulog ang tinig na ayaw kumawala sa aking lalamunan. parang iginuguhit ng kidlat ang pilat na pilit kong itinatago sa aking puso. para bang binibigkas ng lagaslas ng tubig ang mga daing na hindi ko maihinga kaninoman.
at habang pinanonood ko ito, hindi ko maiwasang umusal ng isang pasasalamat. salamat at sa munting paraang ito, nalilimutan ko ang lahat. nalilimutan ko ang hirap, ang sakit, ang lahat ng pangit na nagdaraan sa buhay ko. na kahit sa isang saglit, nagiging malaya ako. malayang maging ako. malayang maging totoo. walang halong pagpapanggap. walang halong pagpipigil. walang inhibisyon.
dahil alam ko, sa pagtigil ng mga patak, kasamang babalik ang lahat. ang realidad na kung pwede lang ay takasan ko na. ang lahat ng bigat na pasan ko araw-araw na minsan kung pwede lang isuko ko na. buti na lang umuulan.