Filed under: Uncategorized
Bakit tumitibok ang puso?
Para bigyang buhay ang mundo. Para ipakilala sa lahat na ang nag-mamay-ari sa kanya ay isang taong marunong magmahal at nangangarap na mahalin. Para uminog ang mundo at lumipas ang oras. Dahil sa pagdaan ng bawat sandali, lumulipas din ang sakit, naghihilom din ang mga sugat at nanunumbalik ang saya.
Bakit tumitibok ang puso?
Para turuan tayong magmahal. Para maramdaman natin ang saya. Para magkaroon ng kabuluhan ang buhay.
Pero paano kapag tumigil ang tibok nito?
Mamamatay ang pagmamahal. Mawawala ang saya. Maglalaho ang lahat ng bagay na maganda. Ang lahat ay mawawalan ng saysay. Mawawalan ng kulay ang mundo. Titigil ito sa pag-ikot. Titigil ang bawat sandali. Hindi na lilipas ang panahon. Hindi na lilipas ang sakit. Hindi na maghihilom ang mga sugat. Wala nang pag-asang manumbalik ang saya.
Paano patitigilin ang pagtibok ng puso?
Pigilan mo ang pag-ikot ng mundo. Pigilan mo ang pagsikat ng araw sa umaga. Pigilan mo rin ang paglubog nito. Pigilan mo ang pag-ihip ng hangin. Pigilan mo ang pag-alon ng dagat. At pigilan mong lumipas ang bawat araw na darating.
Bakit kailangan pang pigilan ang pagtibok ng puso?
Bakit hindi mo hayaang tumibok ito? Hayaan mo siyang masugatan. Hayaan mo siyang masaktan. Hayaan mong minsang pumatak ang mga luha. Hayaan mong minsan maramdaman ang kirot.
Dahil ang bakal ay pinapanday sa apoy. At gaya ng bakal, ang puso ay pinapanday ng dalisay na pag-ibig na kumakanlong dito. Sa bandang huli, ang bawat pilat ang siyang magbibigay dahilan kung bakit nararapat lamang na ikaw ay mabuhay at lumigaya.