Filed under: Uncategorized
Matagal na rin namang hindi kami nagkikita ni Teresa. Anim na taon na rin simula ng huli kaming magkita. Sa totoo lang, miss ko na siya. Kumusta na kaya siya? Katulad pa rin ba siya ng dati? O kagaya ng iba ay nagbago na rin siya?
Mahaba at malalim ang pinagsamahan namin ni Teresa. Halos apat na taon din kaming magkasangga sa maraming bagay. Kung tutuusin, masasabi kong isa siya sa pinakamagandang bagay na nangyari sa buhay ko. Kung ano man ako ngayon, utang ko iyon sa kanya. Si Teresa ay isang kaibigan, kasangga, kachokaran, takbuhan, kanlungan, kasabay, kasama, kapatid, kabarakada, lahat na!
Marami siyang itinuro sa akin sa loob ng apat na taon. Tinuruan niya akong lumaban. Itinuro niyang hindi sa lahat ng pagkakataon ay maging tahimik ka na lang. Minsan kailangan mo ring magsalita. Minsan kailangan mo ring kumilos. Tinuruan niya akong makibagay. Hindi raw lahat nadaraan sa pagpipilit ng gusto. Minsan kailangan timbangin ang pakiramdam at ugali ng mga tao sa paligid mo. Pagkatapos, pag-aaralang pakibagayan sila upang maging matiwasay ang inyong pagsasama at maging produktibo ang mga gawain.
Tinuruan niya akong makibaka. Makibaka at makipagsalaparan sa agos ng buhay. Itinuro niyang hindi mo kayang planuhin ang buong buhay mo dahil hindi mo alam kung saan ka susunod na dadalhin ng pagkakataon. Tinuruan niya akong maging matatag. Sa bawat pagsubok, tiyak na may kalutasan at pagtatagumpay. Ang mahalaga ay kung paano mo tutuklasin ang sagot sa lahat ng mga tanong. Tinuruan niya akong maging mapanuri…maging mapagmasid sa paligid. Dahil marami kang matutunan sa bawat taong iyong makasasalamuha.
Ipinakita niya sa akin ang isang aspeto ng realidad. Maaaring hindi pa ito nakikita o nararanasan ng iba. Subalit masasabi kong kapag kasama mo si Teresa, makikita mo ang isang katotohanang walang halong pagpapaimbabaw.
Dahil kay Teresa, nalaman ko na ang buhay ay isang malaking paaralan. Unti-unti ang pagpapaliwanag sa iyo ng mga leksyon. May grado o level na dapat kang pagdaanan. Dahil din kay Teresa, marami akong taong nakilala. Mga taong nagdulot ng malaking pagbabago sa buhay ko.
Maasahan iyang si Teresa. Laging nariyan sa lahat ng pagkakataon. Hindi ko man siya laging kapiling, nariyan lamang siya at naghihintay sa aking pagbabalik. Takbuhan ko siya sa mga panahong nahihirapan ako, nagigipit ako, nagugutom ako at nag-iisa. Lagi siyang nariyan upang bigyang katugunan ang lahat ng pangangailangan ko.
Sa aking pagdalaw kay Teresa, nakatutuwang malamang hindi pa rin siya nagbabago. Nananatili pa rin siyang kanlungan ng mga taong katulad ko noon…nangangapa sa mundo. Kunsabagay, hanggang ngayon naman nangangapa pa rin ako. Kaya nga nami-miss ko si Teresa. Nami-miss ko ang mga panahong itinuturo niya sa akin ang bawat daang tatahakin ko. Miss ko na ang mga tawanan, kwentuhan, ingay, gulo, at kulay ni Teresa. Kung pwede nga lang sana kasama ko na lang siya palagi.
Sana hindi siya magbago. Sana lumipas man ang maraming taon, manatili pa rin siyang kanlungan ko. Manatili pa rin siyang isang masugid na kaibigang handang tanggapin kung ano ako. Laging naghihintay sa muli kong pagbabalik sa kanya. Miss na kita, Teresa.
Teresa Street near PUP. Hehehe!
Comment by Ecarg 11.11.08 @ 1:39 ambern, ang hirap maglagay ng comment sa u. ang kulit nitong URI’/label> anyway….
kala ko kung anu! anak ng pating. napaisip tuloy ako kung me kilala akong friend mo na teresa name. wala naman. si ate nimfa pala un kala ko teresa at first name nya, hahaha! anlalim ng pagibig mo ke teresa ah. heehehhe =)
Comment by may 02.17.09 @ 8:17 pmLeave a comment
Line and paragraph breaks automatic, e-mail address never displayed, HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>